×
Sa Islam, si Hesus (AS) ay siya ang Messiah o Kristo at isa sa mga dakilang Sugo at Alagad ng Allah (SWT) Ipinanganak ni Birheng Maria mula sa Salita at kagustuhan ng Allah (SWT). Siya ay nakagagawa ng mga himala at nakakagamot ng mga ketongin, paralisado, bulag at iba’t ibang mga sakit mula sa kapahintulutan ng Allah (SWT). Kasama sa kanyang mga katuruan ang maniwala sa nag-iisang Tunay na Diyos. Siya ay hindi napako sa krus at hindi napatay ng mga Hudyo kundi siya ay itinaas ng Allah (SWT) sa Langit. ......
Paniniwala kay Hesus (AS):



"Sinasabi nila (mga hindi- Muslim) na ang mga Muslim ay hindi naniniwala kay Hesus; bagkus, siya ay kinakalaban ng Islam."



Ang paratang na ito ay mali at hindi totoo. Ang mga sumusunod na talakayan tungkol kay Propeta Hesus (AS) sa Islam ay ang katotohanan.



Sa Islam, si Hesus (AS) ay siya ang Messiah o Kristo at isa sa mga dakilang Sugo at Alagad ng Allah (SWT) Ipinanganak ni Birheng Maria mula sa Salita at kagustuhan ng Allah (SWT). Siya ay nakagagawa ng mga himala at nakakagamot ng mga ketongin, paralisado, bulag at iba't ibang mga sakit mula sa kapahintulutan ng Allah (SWT). Kasama sa kanyang mga katuruan ang maniwala sa nag-iisang Tunay na Diyos. Siya ay hindi napako sa krus at hindi napatay ng mga Hudyo kundi siya ay itinaas ng Allah (SWT) sa Langit.

Siya ay babalik muli sa daigdig hindi upang husgahan ang gawa ng tao dahil sa panahon ng kanyang muling pagbabalik ay hindi pa katapusan ng mundo. Kanyang papatayin ang (Dajjal) Bulaang Kristo at mamamatnubay muli ayon sa katuruan ng Islam dahil siya ay Muslim, sa mga taong niligaw ng (Dajjal) Bulaang Kristo, sisirain niya ang mga krus dahil isang kalapastanganan para sa kanya na sabihing siya ay namatay sa krus at ito ang naging dahilan kung bakit sinasamba ang krus. Ipag-uutos na rin niya ang paglipul o pagpapatay sa mga baboy dahil ipinagbawal ng Allah (SWT) na kainin ito subalit pinayagan ito ng tao. Siya ay mag-aasawa at magkakaroon ng mga anak at sa huli siya ay mamatay kasingtulad natin, at sa Araw ng Paghuhukom tayong lahat ay bubuhaying muli ng Allah (SWT) kasama si Hesus at ang lahat ng Sugo at Propeta ng Allah (SWT) upang harapin ang Kanyang Hukuman.

Ang Paniniwala Sa Pagkakapanganak Sa Kanya:



Sinabi ng Allah (SWT):

"(Natatandaan mo) Noong sabihin ng Anghel: "O Maryam! Katotohanan, ipina-aabot sa iyo ng Allah ang magandang balita, ang Salita mula sa Kanya, ang kanyang pangalan ay Mesias Isa (Jesus the Messiah), anak na lalaki ni (birhen) Maria, dinadakila sa mundo hanggang sa kabilang daigdig at isa sa mga malalapit sa Diyos." (Al-Imran 3:45)



Sinabi ng Allah (SWT):



“At siya (Hesus) ay magsasalita sa mga tao, mula sa kanyang kamusmusan at pagkabinata, at siya ay isa sa mga makatarungan." (Al-Imran 3:46)



Sinabi ng Allah (SWT):



"Siya (Birheng Maria) ay nagwika:" O Panginoon ko! Paano ako magkakaroon ng anak (na lalaki) nang walang lalaking nakahawak sa akin." Kanyang sinabi : Ito (ay mangyayari) para sa Allah na Kanyang lilikhain ang ano mang bagay na magustuhan. Kapag Siya ay nag-utos, Kanya lang winiwika: "Maging! at Nangyari". (Al-Imran 3:47)



Ang Paniniwala Sa Pagkakalikha Sa Kanya (Hesus) (AS):



Sinabi ng Allah (SWT):



“Ang pagkakalikha Niya kay Hesus ay kahalintulad sa pagkakalikha Niya kay Adan. Siya ay nilikha Niya mula sa alabok at Kanyang sinabi: "Maging at Nangyari." (Al-Imran 3:59)



Bilang Sugo Sa Angkan Ng Israel:



Sinabi ng Allah (SWT):
“At (nahirang si Hesus na) Sugo sa angkan ng Israel (na may Mensahe): ( kanyang sinabi) Ako ay naparito sa inyo, na may (dalang) Palatandaan galing sa inyong Panginoon." (Al-Imran 3:49)



Sugo Hindi Diyos:

Sinabi ng Allah (SWT):

“Katotohanang Sila ay naging kafir (kawalan ng paniniwala) yaong mga nagsasabi na katotohanan ang Allah ay si Kristo (Hesus) na anak ni Birheng Maria." Subalit sinabi ni Hesus , "O Angkan ng Israel! Sambahin ang Allah, aking Panginoon at inyong Panginoon."Sinuman ang kumuha ng ibang diyos bilang katambal ng Allah, ipagbabawal ng Allah para sa kanya ang Paraiso, at sa Impiyerno siya maninirahan. At para sa mga Zalimun (mga politista at mga gumagawa ng mga kamalian o kasamaan) ay walang makakatulong sa kanila." (Al-Maidah 5:72)

Ang Gospel o Ebanghelyo:



Sinabi ng Allah (SWT):



“At mula sa kanilang mga bakas ay Aming ipinadala si Hesus, ang anak ni Birheng Maria, nagpapatotoo sa Batas na nauna sa kanya. Aming ipinadala sa kanya ang Ebanghelyo (Gospel) na naglalaman ng Patnubay at Liwanag." (Al-Maidah 5:46)

Ang Paniniwala Sa Pagkakapako Sa Krus.

Sinabi ng Allah (SWT):



“At kanilang sinabi (na may kayabangan), "Napatay namin si Kristo Hesus ang anak ni Birheng Maria, Ang Sugo ng Allah." Subalit hindi nila napatay o di kaya ay naipako sa krus…." (An-Nisa 4:157)



Paniniwala Sa Pag-akyat Sa Langit:



Sinabi ng Allah (SWT):



"Subalit siya (si Hesus) ay itinaas (na may katawan at kaluluwa) ng Allah sa Kanyang Kinaroroonan. Ang Allah ang Lubos na Makapangyarihan at Lubos na Maalam." (An-Nisa 4:158)



Ang Shari'ah Sa Islam:



"Sinasabi nila (ang mga hindi nakakaalam sa tunay na katuruan ng Shari'ah) na ang Shari'ah Islamiyah daw ay brutal, malupit, hindi makatao at mga iba pang haka-haka na salungat sa turo at layunin ng Shari'ah Islamiyah."



Ang mga paratang na ito ay hindi tama. Dahil sa kakulangan ng kanilang kaalaman sa Islam ay nagkakaroon sila ng maling haka-haka at maling pananaw tungkol sa Shari'ah. Ang katotohanan ay ito;



Ang katagang Shariah ay salitang Arabo at galing sa salitang ugat na SHARI', na ang kahulugan ay Daan.



Ang literal na kahulugan ay "Maaliwalas na Landas, at panuntunan ng buong pamumuhay na itinadhana ng Allah (SWT) sa Islam." Ito ang Batas na pangkalahatan at walang-hanggan.



Ang tao ay nilikha ng Allah (SWT) sa pinakamataas na antas. Ito ay dahil sa ipinagkaloob sa kanila ng Allah(SWT) ang kaalaman, kakayahang mag-isip, lumakad dahil may paa, gumawa ng mga bagay dahil may kamay at kakayahang makiramdam, tumingin, makalasa, magmahal at iba pang mga kakayahang hindi lahat ipinagkaloob ng Allah (SWT) sa iba niyang mga nilikha. Kasama sa mga layunin dito ay upang mamuhay ang tao sa pinakatama, pinakamahusay, at pinaka-mapayapang pamumuhay sa daigdig. Matatagpuan natin sa daigdig ang mga kalikasan, hayop at mga tao. Ang lahat ng ito ay para sa tao at kakailanganin nila lalung-lalo na ang kanyang kapwa tao upang magkaroon ng magandang ugnayan, pagmamahalan at pagtutulungan para maitatag nila ang maganda at matagumpay na pamumuhay sa tamang pamamaraan. Subalit kung ang mga kapangyarihan at kakayahan na ito ay gagamitin sa mali at hindi wastong pamamaraan ay tiyak na makapagdudulot ng napakabigat na suliranin at pinsala. Ang tao kung titingnan natin ay nahahati sa dalawa. Una, ay ang mga taong sadyang inaabuso nila ang paggamit sa hindi tamang pamamaraan sa kakayahan at kapangyarihang ipinagkaloob sa kanila ng Allah (SWT). Ito ay umaaksaya sa mga yaman ng kalikasan, naninira sa mga magagandang layunin at nakapagdudulot ng mga pananakit sa kapwa. Sila ang mga taong masasama at demonyo kaya nararapat sa kanila ang mabigyan ng sapat na hatol at parusa. Pangalawa, ay ang mga taong tapat, dalisay ang puso at masigasig subalit malimit magkamali dahil sa kakulangan ng kaalaman. Nararapat sa taong ito na maturuan ng sapat na kaalaman at bigyan ng gabay at patnubay sa tamang landas. Upang mapakinabangan nila, ang kanilang kakayahan at kapangyarihan sa tamang pamamaraan.



Ang Shari'ah ay tumatakda sa Batas ng Diyos at nagbibigay ng patnubay para sa ganap na panuntunan ng buhay para sa kapakanan ng tao. Dahil ang Shari'ah ay may malawak na sakop at ito ay sumasaklaw sa buong pamumuhay ng mga Muslim at di-Muslim upang maitatag nila ang malusog at mapayapang pamayanan. Ang batas ng Shari'ah ay nagbibigay proteksiyon sa mga mahihina at naaapi, at ito ay walang kinikilingan maliban sa mga makatarungan. Halimbawa, hindi lahat ng pumatay, bilang hatol ay papatayin din. Ito ay lilitisin muna ng batas ng Shari'ah at aalamin ang dahilan kung bakit naganap ang krimen. Ito ba ay sadya, aksidenteng di-sinasadya o di kaya ay pagtatanggol sa sarili? Kung ito ay sinadya, tiyak na ang hatol ay kamatayan dahil ang pumatay ay mahigpit na ipinagbabawal ng Allah (SWT).



Sinabi ng Allah (SWT):



"Dahil doon, Aming ipinag-utos sa Angkan ng Israel, ang sinuman ang pumatay (dahil sa paghihiganti) o di kaya ay upang magpalaganap ng mga kasamaan sa lupa ay parang kanyang pinatay ang buong sangkatauhan. At kung mayroon man ang magligtas ng buhay ay parang iniligtas niya ang buhay ng buong sangkatauhan. “(Al-Maidah 5:32)



Sinabi ng Allah (SWT):



"O kayong mga naniniwala! Al-Qisas (Ang Batas para sa Pagkakapantay-pantay sa Pagbibigay ng Parusa) ay itinakda sa inyo saka-sakaling may magaganap na sinadyang pagpatay (sa tao): ang malaya para sa malaya, ang alipin para sa alipin at ang babae para sa babae. Subalit kung ang pumatay ay pinatawad ng kapatid (o mga kamag-anak) ng napatay nang dahil sa sapat na halaga (salapi) bilang kabayaran at kalutasan sa kaso (blood-money), at naging makatarungan sa pagbabayad sa mga tagapagmana (ng namatay) sa pamamaraang pinakamakatarungan, ito ay pagpapagaan at habag mula sa inyong Panginoon. At pagkatapos nito, sinuman ang lumabag sa kasunduan (halimbawa, pinatay na rin ang nakapatay pagkatapos niyang mabayaran ang obligasyon (blood-money) sa mga tagapagmana), siya (ang suwail) ay nararapat na bigyan ng napakasakit na parusa." (Al-Baqarah 2:178)




Sinabi ng Allah (SWT):



"At may (pagliligtas sa) buhay para sa inyo ang Al Qisas (Ang Batas sa Pagkapantay-pantay sa pagbibigay ng Parusa), O kayong mga maunawain, upang kayo ay maging Al-Muttaqoon (matakutin)." (Al-Baqarah 2:179)



Apat Na Uri Ng Karapatan At Tungkulin Sa Bawa't Tao.



Ang karapatan ng Diyos sa bawat tao at tungkulin nilang magampanan ito.



Sinabi ng Allah (SWT):



"Siya ang Diyos, ang tangi mong Panginoon; wala nang ibang Diyos maliban sa Kanya, ang Lumikha ng lahat ng bagay. Sa Kanya kayo lamang sumamba." (Al-An'am 6:102)



Ang karapatan ng tao sa kanyang sarili.



Ang karapatan ng ibang tao sa kanya.



Ang karapatan ng mga ibang nilikha katulad ng mga hayop, halaman, ang kalikasan at iba pa. Ganoon din ang mga karapatan ng mga kapangyarihan at kakayahang ipinagkaloob sa atin ng Diyos upang tayo ay mapagsilbihan nila na gamitin ito sa maganda at sa kapakanan ng ating sarili.



Mga Batayan Ng Shari'ah



Ang Banal na Qur'an.



Ang mga Hadeeth o Sunnah ng Propeta.



Ang Ijma' (Nagkakaisang opinion) ng mga pantas.



Ijtihad (Mga katuwiran at pagpapasiya)



“Ang pangatlo at pang-apat na Batayan ay kinakailangang magmumula sa mga opinion ng mga pangunahing paaralan ng batas pang-Muslim kagaya ng Hanafi, Maliki, Shafi'e at Hambali o sa mga karapat- dapat na mga pantas sa Teolohiyang Islamiko."



Ang Batas ng Shariah Islamiah ay isang banal na kautusan. Ito ay galing sa Dakilang Tagapaglikha. Ito ay nangangahulugan na hindi maaring baguhin ng tao ang mga nakatala sa banal na Qur'an na siyang ugat ng Batas ng Shari'ah. Ito rin ay maliwanag na nagsasaad ng pagkapantay-pantay ng tao sa paningin ng Allah dahil walang kinikilala ang Shariah sa pagtupad sa tungkulin sa pagitan ng Hari at alipin, mayaman at mahirap, maputi sa maitim. Ito ay hindi maaring ihambing sa batas na gawa ng tao dahil ito ay hindi sagrado. Ang batas ng tao ay hindi matatag bagkus malimit mabago at magkamali. Kung minsan ang batas ng tao ay para sa mga mahihina at mahihirap lamang. Ilan ba ang mga kriminal na sadyang pumatay o nanggahasa na wala sa kulungan? At bagkus ay ang mga biktima pa ang sinisisi at idinidiin? O di kaya ay sanhi ng panliligalig sa kanila, sila ay tumatahimik na lamang lalo na kapag ang biktima ay mahirap, mangmang at mahina. Marami ang mga pangyayaring naganap na ang pagkakapantay-pantay ng karapatan sa batas ng tao ay nababaliwala minsan at hindi nabibigyan ng pansin lalo na kapag ang may kagagawan (suspek) ay may kaya sa buhay o may kapangyarihan sa pamahalaan.



Sinabi ng Allah (SWT):



"At ang Daan ay isinagawa Niya at ipinagkaloob kay Noe at sa mga ipinahayag Namin sa iyo, at sa mga ipinagkaloob Niya kay Abraham, Moises at Hesus. Panghawakan ninyo nang taimtim ang Daan at huwag magkaroon ng hidwaan." (Al-Shura 42:13)



Sinabi ng Allah (SWT):



“O! kayong mga naniniwala! Sundin ninyo ang Allah at sundin ninyo ang Kanyang Sugo at ang mga namumuno sa inyo. At kung kayo man ay mayroong hindi pagkakaunawaan. Isangguni sa Allah (Qur'an) at sa Kanyang Sugo ( Sunnah) , kung kayo ay may paniniwala sa Allah at sa Huling Araw. Iyan ang mabuti at magandang pasiya." (An-Nisa 4:59)



Ang Jihad Sa Islam

"Kanilang sinasabi (mga hindi-Muslim) na ang Jihad daw ay sandatang ginagamit ng mga Muslim sa kanilang layunin upang mapalawak ang pamamahayag sa relihiyong Islam. Ito rin daw ay malimit gamitin sa mga pang-aapi at terorismo."



Ang mga haka-haka na ito ay hindi totoo at ang katotohanan tungkol sa Jihad sa Islam ay ang mga sumusunod:



Ang kahulugan ng Jihad ay pagsusumikap o pagpupunyagi. Sa teknikal na kahulugan ay ang pagpapakahirap o pagsusumikap na nangangailangan ng lakas upang masugpo o masupil ang lakas ng kaaway sa pamamagitan ng salita o ng gawa. Ito rin ay nangangahulugan ng pagsasagawa ng pakikipaglaban sa tamang layunin na naaayon sa kagustuhan ng Allah (SWT) upang maipagtanggol ang Islam. Mula sa mga talata sa Banal na Qur'an, makikita natin ang paggamit sa katagang Jihad na ginagamit ito sa ibat-ibang pamamaraan.



Sinabi ng Allah (SWT):



"Silang nagpakahirap sa atin (sa ating Layunin) tiyak papatnubayan namin sila sa Aming landas. Katotohanan ang Allah ay kasama ang mga gumagawa ng kabutihan." (Al-Ankabut 29:69)



Sinabi ng Allah (SWT):



"Sinuman ang magsumikap ay nagsusumikap para sa kanyang sarili." (Al-Ankabut :6)



Sinabi ng Allah(SWT):



"Magsumikap (o magpakahirap) para sa Allah na ang iyong pagsusumikap ay para sa Kanya lamang." (Al-Hajj 22:78)



Mapapansin natin ang katagang Jihad ay hindi lamang ginagamit sa pakikipagdigmaan, kundi ito ay ginagamit na rin sa ibat ibang pangkaraniwang pamamaraan.



Ang layunin ng Jihad ay pagtatanggol sa sarili. Ito ay batas pangkalikasan na tumatalakay sa malawak na paksa hindi lamang sa tao kundi pati sa mga hayop, kagubatan at iba pang mga nilikha ng Allah (SWT). Bagamat kasama sa kautusan ang pagpapalaganap ng Islam sa lahat ng kinauukulan ay hindi nangangahulugan na ito ay kailangang gamitan ng lakas o puwersa. Sa Islam ay mahigpit na ipinagbabawal ng Allah (SWT) sa mga Muslim na ipagsapilitan ang Kanyang relihiyon. Bagkus Kanyang ipinag-utos ang pagpapalaganap nito sa isang malumanay at maayos na pamamaraan sa kaalaman at katuruan.



Sinabi ng Allah (SWT):



"Walang sapilitan sa pananampalataya. Katotohanan, ang tunay na landas ay maliwanag (at kaiba) kaysa sa maling landas." (Al-Baqarah 2:256)



Sinabi ng Allah (SWT):



“Anyayahan mo sila sa landas ng iyong Panginoon na may talino at mabuting pakikipag-usap, at makipagtalastasan sa kanila sa isang paraan na mainam. Katotohanan, ang iyong Panginoon ang nakababatid kung sino ang naliligaw mula sa kanyang landas at nababatid Niya kung sino ang nasa tamang landas." (An-Nahl 16:125)



Sinabi ng Allah (SWT):



"Pinahihintulutang lumaban (sa mga hindi mananampalataya) yaong (mga mananampalataya na) kinakalaban, dahil sila ay inaapi. At tiyak tutulongan sila ng Allah (ang mga mana-nampalataya) upang magtagumpay. At silang pinalayas mula sa kanilang mga tahanan na walang sapat na dahilan (katarungan) maliban sa sila ay nagsasabi, "Ang aming Panginoon ay ang Allah." At kung hindi dahil sa Allah na nagbawal (sa mga iba sa mga taong hindi makatarungang pinalayas), ang mga monasteryo, simbahan, templo, mosque kung saan malimit binabanggit ang pangalan ng Allah ay tiyak na gigibain nila. Katotohanan, tutulungan ng Allah yaong mga tumutulong (para sa Kanya). Katotohanan, ang Allah ang Malakas at Matatag." (Al-Hajj 22:39-40)



Sinabi ng Allah (SWT):



"At lumaban (pumatay) sa landas ng Allah laban sa mga nang-aaway (pumapatay)sa inyo. Subalit huwag lumabag sa mga limitasyon o itinakda. Katotohanan, ayaw ng Allah (SWT)ang mga lumalabag (sa mga itinakda). (Al Baqarah 2:190)



Mula sa talatang ito, ay maliwanag na ang kautusan ng Dakilang Allah (SWT) ay pagtatanggol sa sarili at sumunod sa mga itinakdang limitasyon sa pakikipaglaban sa kaaway. Ang mga limitasyon ay bawal pumatay ng babae, bata at matanda.



Ang pakikipaglaban ay para doon sa mga mang-aapi na gumagawa ng gulo sa daigdig at naninira sa mga Bahay ng Diyos. Mahigpit na ipinagbabawal ng Islam ang mang-away sa mga taong hindi nang-aaway sa iyo lalung-lalo na kung sila ay may kasunduan sa inyo upang magbayad ng Jizya sa pamahalaan ng Muslim at makipagtulungan sa panahon ng labanan.



Sinabi ng Allah (SWT):



"(makipaglaban laban sa mga mang-aapi) Maliban sa mga Mushrikun (Politista o mga idolatriya) na may kasunduan sa inyo, at hindi sila naging pabaya sa pagtupad sa kasunduan o di kaya ay tumulong sa inyong mga kalaban. Kaya tuparin ang inyong kasunduan hanggang sa matapos ang taning (ng kasunduan). Katotohanan, minamahal ng Allahang mga Muttaqoon (matakutin)." (At-Tawbah 9:48 (



Sinabi ng Allah (SWT):



"At kung may isa man sa mga Mushrikun (Politista o Idolatriya) ang humihingi sa iyo ng pangangalaga ay tangkilikin mo upang sa gayon ay marinig niya ang Salita ng Allah (ang Qur'an) at samahan mo (o tulungan) siya hanggang sa makarating sa pook na siya ay ligtas. Iyon ay dahil sa sila ay mga taong walang alam." (At-Tawbah 9:6)



Sinabi ng Allah (SWT):



"Kayo ay hindi pinagbawalan ng Allah na makipag-ugnayan nang makatarungan at magiliw sa mga taong hindi nakikipaglaban sa inyo nang dahil sa relihiyon o di kaya ay pinalalayas kayo sa inyong mga tahanan. Katotohanan, minamahal ng Allah yaong mga nakikipag-ugnayan na may kasamang pagka-makatarungan. (Al-Mumtahina 60:8)

Mga Kahalagahan ng Jihad:



Ang Jihad ay isa sa mga gawaing matataas ang gantimpala sa paningin ng Islam at pinakamabuting pamamaraan na mapagka-kakitaan. Subalit ito ay dapat na maisagawa na may kasamang layunin upang ipagtanggol ang sarili katulad ng mga nabanggit natin sa itaas. Kung ang Jihad ng tao ay hindi umaangkop ayon sa layunin ng Jihad, ang lahat ng kahalagahan ng kanyang pagsusumikap ay mawawalan ng silbi.



Mula sa salaysay ni Mu'az (RA) na sinabi ng Sugo ng Allah (SWT): “Ang pakikipaglaban ay may dalawang uri. Tungkol naman sa (pakikipaglaban ng) isa na ang hangarin ay para sa Kagustuhan ng Allah (SWT), masunurin sa kanyang pinuno, kanyang ginugugol ang pinakamaganda sa kanyang mga ari-arian, madaling makipag-usap sa kanyang kasosyo at umiiwas sa mga pagtatalu-talo, ang lahat ng kanyang mga pagtulog at paggising ay bibigyan ng gantimpala.Tungkol naman sa mga nakikipaglaban upang magpakabayani, nagpaparangya at nagpapakitang-tao lamang at hindi sumusunod sa kanyang pinuno at nagkakalat ng pagtatalu-talo, sigalot o pagaaway-away sa mundo, tiyak na siya ay babalik na walang-wala." (Malik, Abu Daud at Nisai pahina 361 Kabanata XXIII Mishkat)



Marami ang mga hadith ng Propeta(SAS)na nagsasalaysay tungkol sa mga kabutihan at kahalagahan ng Jihad, katulad halimbawa sa kanyang(SAS) sinabi: "Ang Jihad ay pinakamabuti sa mga gawain ng Muslim (Muslim)," "Hindi susunugin ng Apoy ang paa na ginamit sa landas ng Allah (SWT) ( Bukhari), Ang lahat ng kasalanan ng isang martir ay patatawarin ng Allah (SWT) maliban sa kanyang mga utang (Muslim), Ang pintuan ng Paraiso ay nasa ilalim ng anino ng Espada (Muslim), Ang isang sentimong magamit sa landas ng Allah ay magkakamit ng napakaraming pagpapala (Tirmidhi, Nisai). Dahil sa mga matataas at malalaking gantimpala na matatamo ng isang martir, ay minsan pinangarap ng mahal na Propeta (SAS) na sana, siya ay mamatay ng ilang beses sa larangan ng Jihad.



Ang Esperituwal na Jihad.



Sinabi ng Mahal na Propeta (SAS); "Ang pinakadakilang Jihad ay ang pakikipaglalaban sa sariling silakbo o simbuyo ng damdamin na salungat sa kagustuhan ng Allah (SWT) ". Ang sariling silakbo o simbuyo ng damdamin ay ang mga kaaway ng ating kaluluwa na sumisira sa ating panloob na diwa at katangian bilang tao. Ang pag-aagawan ng masamang puwersa sa mabuting puwersa ay ang tinatawag na pinakadakilang pakikipaglaban. Mayroong dalawang likas na hilig ang tao, ito ang makahayop at maka-anghel. Ang tao ay tinaguriang dakilang hayop. Kaya kung minsan, siya ay may likas na hilig panghayop at ang iba niyang gawain ay kasintulad sa gawain ng mga ibang hayop. Mayroon din siyang kaluluwa, na galing sa AllahU. Kaya mayroon din siyang likas na hilig upang gumawa ng kabutihan. Ang pagsusumikap ng kaluluwa upang manaig sa likas na ito ay tinatawag na pakikipaglabang espirituwal.



Maliwanag mula sa talakayan nating ito na ang Jihad ay isang pagtatanggol lamang sa sarili at sa relihiyon at hindi maaring gamitin ito sa anumang uri ng pang-aapi.



Ang Poligamiya Sa Islam

Kanilang sinasabi (mga hindi-Muslim) na ang poligamiya ay labag sa kautusan ng Diyos at pamamaraang nakakasira sa katayuang pampamilya at sa mamamayan pangkalahatan.



Ang mga haka-hakang ito ay mali. Ang katotohanan ay ang mga sumusunod na talakayan.



Ang sistemang Poligamiya ay mula pa sa panahon ng mga naunang henerasyon (Mishkat ul Masabih, pangalawang aklat, kabanata XXIII pahina 339), ang poligamiya ay nangyayari sa katayuang walang limitasyon ang bilang ng pag-aasawa. Kung babasahin natin ang mga kasaysayan ng mga naunang henerasyon katulad sa kasaysayan ng mga Babylonians, Assyrians, Persians at Israelites ay kasama sa kanilang mga kaugalian ang pag-aasawa ng marami o higit sa isa. Ang Talmud ng Jerusalem ay gumawa ng panukalang nagbibigay konsiderasyon sa pag-aasawa ayon sa kakayahan ng lalaki na matustusan ang kanyang mga asawa. Kasama sa mga kaugalian ng mga Athenians, (ang pinakamaalam at sibilisado na bansa sa mga naunang panahon): ang asawa ay maaaring gamitin bilang biyenes-muebles (garantor o taga-panagot), nabibili, at naililipat o naisasalin at malimit mapasailalim ng testamento o huling-habilin ang pagmamay-ari sa kanya. Samakatuwid, sa mga naunang panahon, ang ganitong uri ng pag-aasawa ng maramihan ay karaniwan sa mga maharlika, pari at mga ministro. Ang mga Propetang si Moises, Abraham, David, Solomon (AS) at ang iba pang mga Propeta ay nag-aasawa nang higit sa isa. (Poligamia sa Batas ng Islam ni Dr. Jamal A. Badawi, pahina 2)



Ang Islam ay walang ginawa kundi bigyan ng limitasyon ang poligamiya. Bagamat Monogamia ang nasa batas ng Islam ay binibigyan din ng pansin ang kahalagahan ng poligamia bilang katangi-tangi at kataliwasang pangyayari. Ito ay ipinaliwanag ng Allah (SWT) sa Banal na Qur'an sa Kabanata 4 talata 3:



Sinabi ng Allah (SWT):



"At mag-asawa sa mga (ibang) babae mula sa inyong kagustuhan, dalawa, tatlo, o apat; subalit kung ikaw ay natatakot na baka hindi mo (sila) mabigyan ng katarungan ay (mas mabuti sa iyo ang) iisa o di kaya ay (mag-asawa) sa (mga) babaing nasa inyong pangangalaga o obligasyon (alipin). Iyan ang pinakamalapit na makapagliligtas sa iyo sa paggawa ng hindi makatarungan."
(An-Nisa 4:3)



Kung pag-iisipan natin ang talatang ito ay makikita natin na ang Allah (SWT) ang nagbigay ng limitasyon na hanggang sa apat na asawa lamang at ang kondisyon ay kailangang mabigyan silang lahat ng pagkakapantay-pantay na katarungan, at kung ito ay hindi kayang isakatuparan, ang rekomendasyon ng Allah(SWT) ay mabuti para sa iisang asawa lamang (Monogamia).



Sinabi ng Allah (SWT):



"Kailanman ay hindi mo magagawa na mabigyan ang mga asawa mo nang ganap na katarungan kahit na ito ay marubdob mong minimithi. Kaya huwag masyadong kumiling sa isa sa kanila (na pagkalooban ninyo sila ng mas-maraming oras at panustos) at pabayaang umaasa ang iba." (Al-Nisa 4:129)



Mula sa dalawang talata na ito, ay maliwanag na ang katuruan ng Islam ay para sa iisang asawa subalit patuloy pa rin na kanyang pinaglalaanan at pinag-iingatan ang mga pangyayaring biglaan upang mabigyan ito ng sapat na kasagutan.



Ang sistemang pag-aasawa ng iisang lalaki para sa iisang babae ay kamakailan lamang naisabatas, (sa mga bansang hindi Muslim). Sa dahilang marami ang bilang ng kanilang mga kalalakihan kung kaya ang pamahalaan ng kanilang bansa at ng simbahan ay nagkaisa na suportahan ang panukalang ito at maisagawa sa mga bansang kinauukulan. Subalit sa mga bansang kakaunti ang bilang ng mga lalaki, ay pinapayagan sila ng simbahan at ng pamahalaang mag-poligamia upang sila ay dumami katulad halimbawa sa mga ibang parte ng Afrika na kulang ang bilang ng mga kalalakihan.



Ang mga lalaki ay hindi katulad ng mga babae sa maraming dahilan. Karamihan sa mga lalaki ay namamatay nang maaga. Ang iba ay normal at ang iba ay namamatay sa maraming dahilan. Maaring sa sadyang pagkapatay, naaksidente, sa sakit, o di kaya ay naipadala sa digmaan at marami pang ibang kadahilanan. Ang mga ulila at ang mga biyuda, paano natin silang matutulungan upang magkaroon ng normal na pamumuhay? Sila ba ay hahayaan nating mamuhay na walang alam sa tamang direksiyon? Sila ay tao ring katulad natin. Ang pagbibigay konsiderasyon sa poligamia sa Islam ay walang ibang hangarin kundi upang tumulong at mag-alay sa kapwa. Katulad halimbawa noong kapanahunan ng digmaan sa Europa. Ganoon din sa kapanahunan ng Propeta Muhammad (SAS) noong magkaroon ng napakalaking sagupaan sa pagitan ng mga pagano at Muslim sa bundok ng Uhud na kung saan marami ang namatay na mga kalalakihan sa digmaang ito. Marami ang mga kababaihang bata pa at ang iba ay mayroon pang mga anak na binubuhay dahil maagang nabiyuda. Sila ay mga taong normal na may isip at damdamin. Paano natin sila masasagip mula sa landas na walang patutunguhan at kadiliman at mabigyan ng liwanag ang direksiyon ng kanilang buhay? Ipagpalagay natin na ikaw (ay babae) o di kaya ay ang kapatid mong babae ay isa sa kanila, ano kaya ang maiisip mo at mararamdaman? Kaya ikaw o kayo na ang humusga kung alin ang tama.



Pinaghandaan ng Islam ang mga pangyayaring ito na may kasamang pagkahabag at pakikiramay upang masagip at mailigtas ang dangal at puri ng mga kababaihan. Sa pamamagitan ng limitadong poligamia ay mailalayo natin ang mga kababaihan sa posibleng prostitusyon, pagiging kabit, at pagdami ng mga hindi lihitimong anak.



Sa pamamagitan din ng limitadong poligamia ay mailalayo tayo sa posibleng paggawa ng mga pagkakasala at krimen. Katulad halimbawa kung ang babae ay baog o di kaya ay may sakit na hindi maaring masipingan ng asawa, o di kaya ay hindi kayang pagsilbihan o paglingkuran ang kanyang asawa dahil siya ay masakitin. Alin sa dalawa ang mas mabuti; siya ay hiwalayan o payagan ang asawa na makapag-asawa ng iba upang siya ay may katulong sa pag-aalaga at pag-aaruga sa kanyang asawa at posibleng mabigyan pa ito ng anak? o di kaya ay mayroong hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mag-asawa na imposibleng mabigyan ng kalunasan? Ano kaya ang posibleng mangyayari kung sila ayon sa batas ng tao, ay hindi maaring magkaroon ng diborsyo subalit sila ay pinayagang maghiwalay (sa higaan)? Mula sa ating mga nasaksihan sa mga nakaraang karanasan ay tiyak na hindi imposibleng marami ang mga pangyayaring nagaganap na hindi mabuti at hindi kanais-nais sa paningin ng Diyos at sa paningin ng tao sanhi ng kakulangan ng sapat na kasagutan sa mga suliraning ito. Minsan, sa mga pangyayaring katulad nito, ay hindi maiiwasan at malimit mangyari ang pangangalunya. At hindi hanggang dito lamang kundi maaaring may mangyayaring krimeng pagpatay sa pagitan ng mag-asawa. Sapagkat ito na lamang ang tanging paraan upang maisakatuparan ang minimithi ng bawat isa sa kanila na magkaroon ng kalayaang mamuhay dahil ito ang katuruan sa kanila ng batas ng tao: “na kamatayan lamang ang maaaring makapaghiwalay sa kanila."



Alhamdu Lillah, ang lahat ng ito ay binigyang kasagutan ng Allah (SWT) ayon sa mga panuntunan ng buhay ng mga Muslim sa Islam. Ang Islam ay pabor sa Monogamia (pag-asawa sa iisa lang) at sekondarya lamang ang Poligamia. At ito ay pinapayagan lang kung saka-sakaling ito ay kailangan para sa kabutihan ng bawat-isa.



Ang Muhammadanismo
Sinasabi ng mga hindi nakakaalam sa Islam na ang relihiyon daw ng mga Muslim ay Muhammadan dahil ang relihiyon ay itinatag daw ni Propeta Muhammad.

Ang paniniwalang ito ay mali at ang katotohanan ay:



Ang maling pagbabansag ng Muhammadanismo ay walang kinalaman sa relihiyong Islam at sa mga Muslim. Kanilang inihahambing ang Islam sa mga ibang relihiyon na ang mga pangalan o titulo ay hinango mula sa pangalan ng nagtatag o sa mga kinikilala nilang mga kilalang tao o pook. Katulad ng Pananampalatayang Kristiyanismo na hinango sa pangalan ni Kristo. Subalit hindi si Kristo Hesus ang nagtatag rito kundi si Pablo (Saint Paul, the self declared 13th apostle of Jesus). Kaya ang karamihan sa sekta ng mga Kristiyano ay tinaguriang Pauline Christians. Katulad na rin ng mga Budhismo, ito ay hinango sa pangalan ni Gautama Budha. Ang Confuceousianism naman ay hinango sa isang matalinong guro na si Confuceous. At marami pang iba na hinango ang kani-kanilang mga pangalan sa nagtatag o di kaya ay nakapangalan sa iba.



Para sa mga Muslim, ang Mohammadanismo ay hindi katanggap-tanggap na ipangalan sa kanilang relihiyon dahil ito ay lihis sa katuruan ng Islam. Ang relihiyon ng mga Muslim ay Islam at ang nagtatag dito ay ang Nag-iisang Tunay na Diyos (Allah (SWT) sa salitang Arabik). Diyos ng lahat ng mga Propeta kasama dito si Hesus (AS) at Mohammad (SAS). Diyos ng Sanlibutan at ng Sangkatauhan.




Source: Ang Gabay ng Katotohanan ni: Abdulhaliq Saripada