Full Description
Mahalagang isaalang-alang natin ang mga paksang dapat talakayin upang ganap nating maabot ang layunin ng aklat na ito. Bagaman maraming katanungan ang dapat bigyan ng sapat na kasagutan sa larangan ng relihiyon, pumili tayo ng ilang pundamental na paksang makapagbibigay katatagan upang higit nating maunawaan ang talakayang ito.
Ang relihiyon sa makabagong kahulugan nito ay binubuo ng tao o pangkat ng tao na naglalayong mag-alay ng debosyon at isinasaalang-alang ito bilang isang pananagutan sa isang relihiyosong paniniwala na may kaakibat na pamamaraang umuugnay sa mga relihiyosong pag-uugali, rituwal na pagsasagawa. Ito ay nagsisilbing isang bahagi ng buhay ng tao na tumutugon sa kanyang ispiritual na pangangailangan at bilang isang aspeto rin ng kanyang pamumuhay sa mundong ito. Ang relihiyon ay isang napakalaking bahagi na ginagampanan sa buhay ng tao sapagka’t ito ang nagiging pamantayan niya sa pagbabago ng kanyang pag-uugali at mga gawain at maging ang kanyang pag-asam na makamtan ang ispirituwal na kaligtasan. Ang paniniwala sa relihiyon ay likas na bahagi ng buhay ng isang taong nagnanasang magkaroon ng pagbabago hindi lamang sa pakikiharap niya sa makamundong galaw, higit sa lahat ang kanyang mithiing makamit ang magandang buhay pagkatapos ng kamatayan.
Sa kabilang dako naman, ang Islam ay nagbibigay kahulugan sa relihiyon sa higit na malawak na konsepto na kung tawagin sa salitang arabik ay Deen. Ang relihiyon ay bahagi lamang ng pananalampalatayang Islam sapagka’t sakop nito ang isang ganap na pamamaraan ng Buhay, maging ito ay pampamilya, pangkalakalan, panlipunan, pamahalaan, pangkalikasan, agham at kaalaman, politikal, ispirituwal at relihiyon, kaisipan, atbp. Samakatuwid, ito ay isang pamamaraang ipinagkaloob ng Tagapaglikha upang mabuhay ang tao sa ilalim ng Kanyang mga batas, kautusan, at ayon sa tamang paniniwala at pagkilala sa Kanya. Bilang ganap na pamantayan ng buhay ng tao, hindi lamang nito itinataguyod ang pagkilala at pagsamba sa nag-iisang Diyos, bagkus inilalahad din sa kabuuan nito ang mga pamamamaraan ang pagpapatupad ng mga pamamaraan itong naayon sa batas ng Allah (SWT). Sa maikling kahulugan nito, ang pisikal at ispiritual na pangangailangan ng tao ay tinutugunan ng pananalampalatayang Islam. Taliwas sa ibang lipunan na ang pamahalaan at ang Simbahan ay magkahiwalay. Ang Islam ay kaiba, ang batas ay mula sa Allah (SWT) at hindi batas na ginawa lamang ng tao. Ang Allah (SWT) na Siyang may likha ng tao at Siya lamang ang may lubos na kaalaman kung ano ang angkop at makabubuti sa kanyang mga nilikha. Sa katunayan, ang panlipunang batas na ipinaiiral ng isang tunay na Islamikong bansa ay hango sa Banal na Aklat ng Allah (SWT), ang Qur’an.
Katotohanan, aming ipinahayag sa iyo (O Muhammad) ang Aklat (Qur’an) nang may katotohanan para sa (patnubay ng) sangkatauhan. Siyang tumatanggap ng patnubay pinabuti ang sariling kaluluwa; subalit siyang naliligaw ay pininsala ang sariling kaluluwa. Ni hindi ka itinalaga (O Muhammad SAS) bilang tagapamahala sa kanila. Banal na Qur’an :Az-Zumar [39] :41
Sa kapakanan ng mga mambabasa na hindi pa Muslim, gagamitin ang salitang “relihiyon” bilang pinakamalapit na kahulugan ng salitang “deen” upang maging payak at maunawaan ang paksang bibigyan ng daan.
SINO ANG TAGAPAGTATAG NG RELIHIYON ?
Sa unang paksa, naipaliwanag natin na ang tunay na kahulugan ng relihiyon ay isang pamamaraan ng buhay na ipinagkaloob sa atin ng Lumikha upang ang bawa’t tao ay tumahak sa tamang landas. Sa malawak na pananaw nito, walang sinumang tao ang maaaring magtatag ng mga batas o kautusan na ganap na makatutugon sa pangunahing pangangailangan ng sangkatauhan.
Kung ang tunay na kahulugan ng relihiyon ay tamang pamamaraan ng Buhay, samakatuwid walang sinumang tao ang maaaring magtatag ng relihiyon sapagka’t ang relihiyon, sa tunay na diwa at kahulugan nito, ay may lakip na batas na dapat tuparin ng isang tao.
Ang Dakilang Lumikha lamang ang may tanging karapatan na magtatag at magbigay ng relihiyon kaalinsabay ng mga batas at kautusan. At ang relihiyon (pamamaraan ng buhay) ay patuloy Niyang ipinahayag mula pa noong nilikha Niya ang unang tao-(sina Adan at Eba) hanggang sa ihayag ito sa kabuuang anyo kay Propeta Mohammad at patuloy na ipatutupad hanggang sa Araw ng Paghuhukom.
Sa kaisipan ng ibang tao, ang relihiyon ay maaaring itatag ng kahit na sinong tao. Sa katotohanan, kahit sinong Propeta na isinugo ng Dakilang Lumikha ay hindi mga tagapagtatag ng Relihiyon. Ang Relihiyong Kristiyanismo ay hindi itinatag ni Hesukristo, ang relihiyong Judaismo ay hindi itinatag ni Propeta Moises, ang relihiyong Islam ay hindi itinatag ni Propeta Muhammad. Ang mga Propeta ay mga Sugo lamang ng Diyos na binigyan ng karapatan at kakayahan upang isakatuparan ng tamang pamamaraan ng buhay na tinatawag nga natin sa payak na kahulugan na “ relihiyon”. Si Moises ay hindi nagsabi na ang kanyang relihiyon ay Judaismo. Hindi ito matutunghayan sa Lumang Tipan o maging sa kanyang orihinal na Kasulatan na Tawrat. Si Hesus ay walang sinabi na ang kanyang relihiyon ay Kristiyanismo. Walang matutunghayang salita si Hesus na tumutukoy sa Kristiyanismo. Samantala, ang Banal na Qur’an na siyang huli sa lahat ng Banal na Kasulatan ay nagpahayag na ang Islam ang tunay at tanging relihiyon sapagkat ito ay nagmula sa Kanya. Ang Islam ay hindi kathang isip ni Propeta Muhammad bagkus ito ay kanyang ipinamahagi bilang mensahe sa kanya ng Nag-iisang Diyos, ang Allah (SWT). Ang mga Propetang isinugo ng Diyos sa lupa na kinikilala ng sangkatauhan tulad ni Adan, Noah, Abraham, Lot, Ismael, Isaak, Moises, Aaron, David, Solomon, Hesus at ang huli na si Propeta Muhammad ay iisa ang dalang relihiyon. Ito ay relihiyong ng kapayapaan. Sa wikang ginamit ni Moises at Hesus, ito ay tinawag na shalom. Sa wikang ginamit na arabik ito ay Islam-isang katagang hinango sa salitang salam na ang literal na kahulugan nito ay Kapayapaan, kapayapaan sa kapaligiran, kaisapan, kalooban at katawan ng sinumang naghahangad na isuko ang kanyang buong sarili sa Nag-iisang Diyos-ang Allah..
“Katiyakan, ang (tunay) na relihiyon sa paningin ng Allah ay ang Islam (ganap na pagtalima at pagsuko sa Kanyang kalooban)” Banal na Qur’an:Al-Imran [3]:19
At dahil mayroon lamang isang Tanging Diyos, at iisa lamang ang pinagmulan ng tao, samakatuwid isang panuntunan o relihiyon lamang ang ipinagkaloob upang ang lahat ng tao ay magkaroon ng isa at tanging pagkilala sa kanilang Diyos. Hindi Niya binigyan ng sariling relihiyon ang mga Hudyo, at hindi rin naman binigyan ng sariling relihiyon ang mga Kristiyano at hindi rin naman binigyan ng sariling relihiyon ang mga Muslim, bagkus isang Relihiyon ang ipinagkaloob Niya para sa sangkatauhan.
“Katotohanan, Aming ipinadala ang (kapahayagan) inspirasyon sa iyo (O, Muhammad) katulad ng Aming pagpapadala ng (kapahayagan) inspirasyon kay Noah at sa mga propetang (dumating) pagkaraan niya. At Amin ding binigyang inspirasyon si Abraham, Ismael, Isaak, Hakob at ang Al Asbat (labindalawang anak ni Hakob), Hesus, Hob, Jonas, Aaron, at si Solomon at kay David ipinagkaloob ang Zabur (Psalmo). Banal Na Qur’an:An-Nisa [4] : 163
ANO ANG PANGUNAHING ARAL NG ISANG TUNAY NA RELIHIYON?
Ang pangunahing aral o katangian ng halos lahat ng mga relihiyon ay ang paniniwala sa iisang Diyos o ang Kataastaasang Nag-iisang Diyos na siyang Pinakamakapangyarihan at Nakakaalam ng lahat. Ang mga tagasunod ng bawa’t relihiyon ay naniniwala na ang kanilang Diyos na sinasamba ay katulad ng Diyos na sinasamba ng iba at tanging ang pagkakaiba ay ang pamamaraan ng pagsamba at ang pagkilala sa pangalan Niya. Ang ganitong pananaw ay hindi tinatanggap sa Islam. Ang Islam ay nagtatakda na ang paniniwala ay may kaakibat na gawa na umaayon sa utos ng Dakilang Lumikha. Ang paniniwala sa nag-iisang Diyos, ang pamamaraan ng pagsamba at ang pagkilala sa pangalan Niya ay may tamang pamantayan at gabay na sumasang-ayon sa iisang batas na Kanyang ipinagkaloob. Ang Banal na Qur’an ay nag-aatas na hikayatin ang mga “Angkan ng Kasulatan”, at magkasundo sa iisang salita hinggil sa nag-iisang Diyos:
“Sabihin (O Muhammad) : O Angkan ng Kasulatan (Hudyo at Kristyano)! Halin kayo sa isang salita na makatarungan sa amin at sa inyo, na wala tayong ibang sasambahin maliban sa (nag-iisang) Allah (SWT), at hindi tayo magbibigay ng ano mang katambal Niya, at hindi tayo kukuha ng ibang Diyos maliban sa Allah U,” At kung sila ay tumalikod, magkayo’y, sabihin, “Saksi kayo na kami ay Muslims”. Banal na Qur’an: Al-Imran [3]:64
Ang nasabing Ayat o Talata ay nagbibigay diin sa bawa’t Muslim na hikayatin ang mga Hudyo at Kristyano na magkaisa sa iisang paniniwala na walang dapat sambahin maliban sa nag-iisang Diyos - ang Allah (SWT). Ipinakikilala sa talatang ito ang pagiging makatarungan sa pagkilatis ng katotohanan, at isang salita o ugnayan na kung saan ay magiging katanggap-tanggap sa bawa’t panig.
Ang Kaisahan ng Allah (SWT) ay nagtatagubilin sa tao na IISA lamang ang nararapat na pag-ukulan ng pagsamba. Kasunod nito, nararapat na IISA lamang ang relihiyon na dapat tangkilikin ng tao, magkagayon, makatarungan lamang na IISA din ang pamamaraan ng pagsamba.
At sinabi ng Allah (SWT) "Huwag sumamba sa dalawang Diyos. Katotohanan, Siya lamang ang nag-iisang Diyos. Banal na Qur’an:An-Nahl[16]:51
Ang paniniwala sa Nag-iisang Diyos ay hindi nagtatapos sa simpleng paniniwala lamang, ang paniniwala ay pinagtitibay ng gawa at ang gawa ay nararapat na sumasang-ayon sa kagustuhan ng Nag-iisang Diyos. Samakatuwid, marapat lamang bigyan ng pansin na ang Islam ay nagtuturo ng isang paniniwala sa Nag-iisang Diyos, ang Allah (SWT), na pinagtitibay ng gawa ayon sa kautusan ng Nag-iisang Diyos. Anumang uri ng paniniwala na walang pagsagawa ay itinuturing na walang saysay.
Sa mabilis na paglipas ng panahon ang Kaisahan ng Allah (SWT), ang pagkilala sa IISANG relihiyon at ang iisang pamamaraan ng pagsamba ay nabahiran ng maraming pagdadagdag o pagbabawas. Nagsulputan ang iba’t ibang pananalampalataya na halos lahat ay nag-aangkin na nasa kanila ang kaligtasan. Ang pagtatakda ng Allah (SWT) sa kaganapang ito ay isang pagsubok sa talino ng tao sa kanyang malayang pangangatuwiran upang malaman kung ano ang tama at mali.(Galing sa Aklat na "Ang Batayan ng Tunay na Relihiyon")